3 minute read
Sisid Pailalim, Pagmaneho ng Trak!
Ni: Gian Carlo S. Napa
P alaging naipamamalas ng lawa sa Larap, Jose Panganiban ang kagandahan nito. Sinong mag-aakala na ang kasaganahan ng lungtiang kalupaan at kayamanan ng nagniningningang katubigan ay inukit, winasak, at niyurak-yurak ng sangkatauhan mula dekada trenta hanggang dekada setenta. Lagi nitong nakukuha ang aking atensyon at kung paanong ang repleksyon ng lugar na ito sa panahon ngayon ay malayo mula sa mga alon na nagbigay-buhay rito.
Advertisement
Madalas akong tumatambay ilang metro mula sa kababawan ng lawang ito. Tinatawag itong pit area, nagmula sa malawak at malalim na hukay na dating minahan. Ngayon, marami ang marurungis na batang naglalaro, mga inang nagkukwentuhan habang naglalaba, at mga matatandang nagpapakalat ng kuro-kuro sa paligid ng lugar na ito. Masaya ako na nabuhay ako sa panahon ng kapayapaan – hindi nahubaran ng aking karapatan.
Hindi ito ang kaso sa panahon ng aking lolo’t lola. Sa pag-”shutdown” ng Philippine Iron Mines (PIM), kasabay rin nitong naupos ang kandilang nagbibigayilaw sa kanilang tahanan. Sinabi ng lola ko na hindi na sila nakaranas ng kaluwagan matapos mawalan ng trabaho ang aking lolo. Nabuhay sila sa diyeta ng powdered milk at kanin, paminsan-minsang nakatitikim ng pechay at kalabasa. Ngunit, ano nga ba ang buong katotohanan?
Kahit namulat ako sa panahon ng kapayapaan sa Larap, hindi ko mapigilan na alamin kung ano ang mga nakatago sa kailaliman ng lawang ito. Titingin paibaba, nakikita ko lamang ang sarili na nakatitig pabalik – kuryos. Ito ang repleksyon ng realidad na kinabubuhayan ko. Ngunit kung tititig pa lalo, kitang-kita ang mga nalubog na 16-wheeler na trak, kasinglaki lamang ng posporo kung titingnan mula rito. Kailangan kong malaman ang mga misteryong nakabalot dito.
Sa pagtagal ng panahon, napakahirap na alamin ang mga bagay na nakatago sa ilalim ng mabibigat na kumot ng tubig. Tila ba kumunoy na hihila sa akin paibaba kung tatampisaw pa. Kahit pa ganito ang sitwasyon, ang aking lola pa rin ang aking tagapagligtas. Siya ang tumulak sa akin na alamin ang mga lihim mula sa kaniyang mga kwento.
Si mommy ang aking superhero!
Sinasabi niya na ang pag-alam sa katotohanan ay marahang ginagawa. Hindi ito isang padausdusan, bagkus hagdan na dapat tinatahak nang dahan-dahan. Ang aking lola, o si mommy, ay isang mamamahayag at guro na may malawak na kaalaman sa mga pangyayari sa Larap noong panahon ng PIM. Kahit pitumpu’t tatlong taong gulang na siya, patuloy pa rin siyang sumisisid sa kailaliman ng mga bagay. Ang tunay na bayani ng kasalukuyang Pilipino – mga mamamahayag na mulat sa katotohanan.
Ako, na ginamit bilang lundagan at pundasyon si mommy sa larangan ng pahayagan, ay ninanais na suungin ang pit area ng mundo.
Pagod na akong makita ang repleksyon ng nahahawakan. Nais ko nang maging bahagi ng pagtuklas sa katotohanan.
Bawat bato na itinatapon sa pit area, lulundag nang bahagya, at bubuo ng kilapsaw bago lumubog. Sisisid pailalim, hahalughugin ang bawat lihim upang imaneho pabalik sa ibabaw. Ako at ang aking lola ay mga mamamahayag ng kasalukuyan na nagnanais na baliktarin ang bawat trak sa kalaliman ng lawa ng Philippine Iron Mines.