3 minute read
Sinag- araw sa butas ng Karayom
Ni: Klara Mae A. Cardinal
Tumitipa sa kaniyang teklado, tinatapos ang kanilang research paper na ipapasa sa darating na Linggo. Dedepensahan ang kanilang gawa laban sa mapanggisang panelists at sa mga mapanghusgang nakikinig. Inihanda ang sarili bago humarap sa madla.
Advertisement
Tumindig nang tuwid, maayos na ipinaliwanag ang ginawa ng kanilang grupo at tila ba propesyunal kung sumagot sa mga ibinabatong tanong ng husgado. Natapos ang tila debate na usapan sa loob ng kwadradong silid. Ilang minuto ang lumipas at inihatid ang magandang balita, ang kanilang researchpaper ay pumasa.
Makalipas ang ilang buwan, suot na nila ang puting toga at sumbrero na sumisimbolo sa muling paghakbang paakyat sa hagdan ng tagumpay. Sa wakas ay nakapagtapos siya ng kolehiyo at magsisimula nang maghanap ng trabaho. Ang nais niya sana ay magtayo muna ng negosyo na siya ang mamamahala ngunit ito ay hindi naging madali at kinailangan niyang makahanap ng trabaho upang may pandagdag sa panggastos sa sinisimulan niyang negosyo.
Suhestiyon ng nakararami ay sumubok bilang tagapagbalita, isa rin ito sa mga naging pangarap niya noong siya ay nag-aaral. Inensayo at pinag-iisipan ang bawat bibitawang salita. Ang mga opinyon at pananaw ng iba ay sinasala, pinag-iisa na nagiging dahilan upang ang inilalahad ay maging makapangyarihan at tiyak na pakikinggan ng masa.
Nakuha sa trabaho, naging maganda ang daloy ng kaniyang buhay. Tahimik, payapa at halos lahat ng kaniyang kahilingan ay natutupad. Nagbasa ng iba’t ibang artikulo, naghanap ng mga kontemporaryong isyu at ito’y ginamitan ng malalim na pang-unawa. Nakinig sa radyo at sa ibang kagamitang naghahatid ng balita.
Nagsulat ng mga importanteng detalye na magsisilbing gabay upang mailahad ang malinaw na impormasyong nakalap.
Kinilalang isa sa pinakamagaling na taga-ulat ng balita ngunit di kalauna’y naghatid sa kaniya sa panganib na alam niyang mangyayari bago niya pa pasukin ang mundo ng pagpapahayag. Siya ay may idea sa kung ano ang kahahantungan nito ngunit hindi niya inaasahan na maraming tao ang madadamay dahil sa patuloy niyang paglathala ng mga pananaw at katotohanan sa paligid. Dahil sa pagkakaroon ng press freedom ng bawat taga-ulat, naging kampante ang kaniyang kalooban kahit papaano.
Binalaan ng kaibigan, pinakiusapan ng kaniyang mga magulang, pinayuhan ng mga taong malalapit sa kaniya na itigil na ang trabahong pinasok niya dahil daig pa nito ang abogado sa usaping trabaho na pati ang sariling buhay ay itataya para lamang sa katotohanang pilit itinatago ng iba. Siya ay nag-alinlangan, huminto nang ilang buwan ngunit hindi kinakaya ng kaniyang kalooban na makita ang pagmamanipula ng gobyerno sa isip ng taumbayan. Sa ilang buwang pagtigil niya sa trabaho, kitang-kita ng kaniyang mga mata ang pagbabago.
Nakabibinging katahimikan,walang boses ang sangkatauhan.
Ang kaniyang pagbabalik ay nagmistulang pag-asa para sa mga taong nais marinig ang boses nila, ngunit isang pagsubok naman sa mga taong may itinatagong kasamaan na ayaw maibulgar sa karamihan. Ang pressfreedom ng isang mamamahayag na malayang naihahatid ang balita, maganda man o hindi, malaman lamang ng taumbayan ang ginagawa ng malalaking tao na nakaupo sa gobyerno ay kagaya ng sinag ng araw na malayang nakatatagos kahit sa pinakamaliit na butas ng karayom.