3 minute read

Reyna ng Buhay

Ni: Zyra S. Saculsan

Tinginan at mapanghusgang mga mata ang bumungad sa amin ngayong tanghali nang sunduin ako ng aking mami sa paaralang aking pinapasukan. Hindi ko alam kung bakit parang kriminal ang turing nila sa aking ina na parang kay laki ng kasalanang kaniyang nagawa.

Advertisement

“Ikaw, anak. Ikinahihiya mo rin ba ako?” tanong ni mami na labis kong ikinagulat. Nakita niya siguro ang mga taong nasa paligid na kahit hindi nagsasalita, tila mata ang bumuboses at pumupuna.

“Ano ka ba mami, kahit kailan ay hindinghindi kita kinakahiya. Sa ganda mong ‘yan?” pambobola ko sa kaniya ngunit hindi pa rin nawawala ang kaniyang pagkabahala. Sinasabi niya palagi sa akin na sanay na siya pero sa tingin ko, ang mga salitang iyon ay may halong kasinungalingan.

Nang makarating kami sa aming bahay, agad siyang nagluto upang may maihaing pagkain sa lamesang kaming dalawa lang ang nakikinabang at inayos ang gripong kagabi pa tumutulo. Pagkatapos nito, dumako kami sa hapag-kainan at nagsimulang kumain kasabay ng kuwentuhan at tawanang lumalabas sa aming mga bibig. Naikuwento niya rin sa akin na siya’y sasali sa isang pageant na gaganapin ngayong gabi. Suporta at motibasyon ang mga bagay na nakuha niya sa akin.

Dumating ang mga oras na gaganapin na ang kaniyang pinaghahandaan. Kami ay pumunta sa lugar kung saan gaganapin ang pageant na iyon. Sa backstage , inayos ko ang kaniyang buhok na matagal niyang pinahaba, tinulungang maisuot ang gown na kasintingkad ng ginto, at inilapat ang mga koloreteng mas lalo pang naging dahilan ng kaniyang namumutawing kagandahan.

Ang mga kasapi ay mayroong katawang lalaki ngunit ang kanilang mga tindig ay nakabibighani. Hindi ko naiwasang mapa”wow” sa mga nagniningningan nilang kasuotan, lalo na sa pinakamamahal kong mami.

“Contingentnumbertwo...contingent number two” mga katagang paulit-ulit ngunit napakasarap sa tenga sa tuwing naririnig kong binabanggit ito ng emcee, ito kasi ang sasakyang naghatid kay mami sa finals

Hindi ako makapaniwala na kanina ay opening pa lamang, ngayon ay patapos na ang event. Kanina pa ako nagdarasal nang taimtim sa aking kinauupuan na sana’y panigan si mami ng kalangitan at sa tingin ko naman ay dininig niya ito sa gitna ng kaingayan dito sa aming barangay.

“Andthewinneris…contingentnumber two!” Napakalakas ng hiyawan at sigawan na tila ba’y hindi ko na marinig, ang taong nasa paligid ko ay lumalabo dahil nakapokus lang ako sa aking mami na ngayo’y tuwangtuwa nang makuha niya ang unang pwesto at kinoronahan bilang “MissGay” sa aming barangay.

Habang ang koronang kaniyang nakuha ngayon ay galing sa isang patimpalak, galing naman sa akin ang isa pang koronang nagsasabing si mami, na isang parte ng LGBTQIA+ community , ang reyna ng aking buhay.

Si mami, isang lalaki at ama ngunit likas na sa kanya ang pagkakaroon ng isa pang identidad ang pagganap niya bilang ina sa akin na naging isang motibasyon upang siya’y maging bulag sa mata ng lipunang mapanghusga.

This article is from: