
2 minute read
Pudpod na Krayola
Ni: Julianne Lorlyn R. Cusi
P erpekto. Nais ng ilang kabataan ang magkaroon ng perpektong pamumuhay – kumpletong pamilya, magandang kalagayan, at mahalin ng mga taong itinuturing nilang parte ng kanilang buhay. Mahilig silang mangarap at kadalasa’y makikita sa kanilang mga mata ang ningning ng pagnanais na makamit ito pagkalipas ng ilang taon.
Advertisement
Ngunit, hindi lahat ng kabataan ay humiling na magkaroon ng magandang propesiyon o ng kahit anong mamahaling materyal. Tumayo ang batang babae at ipinakilala ang sarili, isiniwalat ang kakaibang pangarap na hindi mo inaasahang masasabi ng kagaya niyang kabataan. Ninais niya lamang na makitang nagmamahalan ang kaniyang mga magulang – walang away, walang galit na namumulat sa kanilang mga puso. Nais niya lamang maramdaman ang pagmamahal at pagpapahalaga mula sa pamilya.
Habang siya ay gumuguhit ng isang malikhaing sining para sa sinalihang paligsahan, isang pamilya ang dumaan sa kaniyang harapan, dala ang kanilang anak upang ito’y ihatid sa paaralan. Nangibabaw sa kaniyang dibdib ang inggit sa kadahilanang hindi ito nagawa ng kaniyang mga magulang sa kaniya. Kahit may mga magulang siya, tila wala.
Sa kabila ng nangingibabaw na damdamin ng bata, pinili niya pa rin tapusin ang kaniyang obra. Halos mapudpod na ang kaniyang mga krayola ngunit patuloy na pinagsisikapan na matapos ito at maging perpekto sa paningin niya. Ginawa niya ito hindi dahil nais niyang mabigyan ng gantimpala, ngunit dahil nais niyang makita ng kaniyang mga magulang ang kaniyang halaga.
Kagaya ng isang obra, ang bata ay nagsilbing krayola na napupudpod na sa kapipilit sa kaniyang sarili na maging perpekto sa paningin ng kaniyang mga magulang at ito ang maging rason ng pagkakaayos ng kanilang pamilya. Pilit niyang inuubos ang kaniyang kakayahan upang maranasan lamang mapahalagahan ng kaniyang mga magulang.