3 minute read

Tinta sa Pahina

Ni: Zyra S. Saculsan

Huminto ang isang paslit sa gilid ng kalsada upang pulutin ang hinanging papel sa kaniyang mga paa. Tinupi at itinabi sa kaniyang dala-dalang supot. Dumiretso sa kanilang tahanan at nagagalak na pumasok sa kaniyang kwarto upang pagmasdan ang larawan sa napulot niyang papel. Ginupit niya ito at idinikit sa pader. Nadagdagan na naman ang kaniyang koleksyon.

Advertisement

Musmos pa lamang ang batang babae ay kay laki na ng pangarap. Isinusulat sa kaniyang bucket list ang mga lugar na nakikita sa mga larawan, umaasang darating ang panahon na ito’y kaniyang mapupuntahan. Ang yapak ng kaniyang sapatos papunta sa eskwela, ang ngiti sa kaniyang mga labi ay tanda na siya’y handa nang muli sa pagsubok sa kanilang paaralan. Gagawin ang lahat upang makapagtapos at masimulan ang pag-usad ng kaniyang mga patungo sa mga lugar na tila paraiso ang ganda.

Paglabas sa kanilang paaralan ay naglakad kasama ang kaniyang mga kaibigan, naghanap ng makakainan ngunit sarado ang kanilang paboritong karinderya. Nilibot ng kanilang paningin ang lugar at nagmamadaling makahanap ng ibang pwedeng puntahan. Wala pang ilang minuto ay kaagad na natagpuan ang bagong bukas na kainan. Pagod ay binalewala, kumaripas sa pagtakbo ang magkakaibigan at nag-unahang pumila upang tikman ang pagkain na nakita sa bagong restawran.

Noon ay nasa loob ito ng pook pasyalan na dati na nilang pinupuntahan kasama ang kaniyang pamilya. Hilig niya ang maglaro at sumakay sa iba’t ibang laruang sasakyan na ginagamitan ng makinarya. Pagkatapos ay kumakain sa isang magarbong kainan bago umuwi sa kanilang tahanan. Ang Shakey’s na may sarisaring pagkain at inuming ibinebenta ang patok sa kanilang panlasa pati na rin sa masa. Galing sa biyahe ay dito rin madalas kumakain ang mga turista at mga taong galing sa ibang lugar bago umuwi sa kanikaniyang pamilya.

Kinabukasan ng umaga ay nagising dahil sa tunog ng isang malakas na bagay sa kanilang salas. Ang radyo na naghahatid ng balita na may halong musika ang nagpagising sa kaniyang natutulog na diwa.

Inilalathala ang tungkol sa bagong bukas na pasyalan kasabay ng pag-akit sa mga turista na bumisita upang subukan ang kakaibang ambiance ng lugar at ang pagiging kakaiba nito sa ibang pasyalan. Ang tenga ng babae ay pumalakpak sa tuwa dahil ang nasabing lugar ay malapit sa kanilang tahanan. Ang SM City – pinakamalaki sa Bikol na matatagpuan sa Daet, Camarines Norte ay bukas na!

“Tatak Cam Norteño!” saad ng babae sa pagrepresenta ng kanilang probinsya sa kaniyang sinalihang pageant na binubuo ng mga kalahok galing sa ibang probinsya. Kasabay ng kanyang paglaki ang pag-unlad ng Camarines Norte —ang lugar na napupuno ng iba’t ibang kaakit-akit na pasyalan. Laging bumibida at nananalo sa sikmura ng mga sumusubok sa lasa ng pagkain sa Camarines Norte.

Sa pagbabalik niya sa kanilang tahanan ay pumasok siya sa kaniyang silid-tulugan. Tiningnan ang mga larawan na kaniyang ginupit mula noong siya ay bata pa. Hindi na alam ang uunahin puntahan. Habang tumatagal at dumadagdag ang kaniyang edad ay mas dumarami ang lugar na pwedeng bisitahin sa Cam Norte. Ang pahina na noon ay nagsimula sa sampung lugar ang laman ay nadagdagan. Hindi kailanman mauubusan ng tinta ang panulat niya at hanggang ngayon ay nakaukit pa rin sa bawat pahina ng kaniyang kwaderno ang asensadong probinsya ng Cam Norte.

This article is from: