3 minute read

Siete Pares

Ni: Gian Carlo S. Napa

Sa lupain naming napalilibutan ng malawak na karagatan at matayog na kabundukan, pitong mag-asawa ang naninirahan at nangangasiwa upang manatili ang kaayusan. Ang pamamalakad na ito ang kinalakihan ko at ng aking mga magulang – matapos ang mahabang panahon ng gyera at pananakop, ang paniniwalang tapos na ang lahat at ligtas ang kapaligiran sa lugar na ito ang nagpapanatag sa aming isip.

Advertisement

Sa pagpupulong ng pitong pares na ito, 11 na katao lamang ang palaging dumadalo. Walang may alam kung nasaan ang natitirang tatlo.

Dead? Missing? Inexistent?

Ipinakita ng una at pinakamatandang pares na dahil naaabot naman ang korum ay dapat na laging itinutuloy ang mga pagpupulong. Isalang ang mga nawawalang myembro sa paghahanap dahil dapat na pitong pares lamang ng mag-asawa ang naglilingkod sa estado. Hindi kailanma’y mapapalitan ang pitong pares na ito sa pamilyang pinagmulan nila. Kilala na ang kanilang pangalan sa maraming henerasyon at alam na nila ang kanilang ginagawa.

Tsk. Traditional thinkers.

Ikalawang pares. Naniniwalang pinagsisilbihan nila ang mga tao dahil nasa tao ang kapangyarihan. Dapat na makuha ang tiwala ng tao upang mapanatili ang balanseng lipunan. Huwad at bulag ang pares na ito sa katotohanang ang imahinasyon nilang nasa tao ang kapangyarihan ay pawang walang silbi dahil nasa pitong pares na ito ang buong kapangyarihan sa lupaing pinamamalakad nila.

Daydreamers.

Ang ikatlo at ikaapat na pares ay nananatiling tahimik at sunod- sunuran sa mga nais ng unang pares dahil nakikinabang sila sa produkto ng sistemang ito. Walang araw o pagkakataon na hindi sila nakaranas ng pribilehiyo mula sa kanilang posisyon. Hindi masasabing biktima lang din sila ng sistemang nagpatikim ng kasaganahan dahil mismong sila ay hindi nagpapakita ng kaunting pagkatao sa iba.

Blind followers.

Nakikita ng lahat ang ikalimang pares bilang mahina at walang alam. Ilang beses nang ginamit ng mga naunang pares ang kanilang mga taktika upang maloko ang pares na ito. Niloloko sila upang sumunod sa nais ng iba. Walang sariling opinyon at kung mayroong hinaing o isipin sa pamamalakad ay di-naririnig sapagkat kilala silang walang boses. Para sa unang pares, ang tungkulin lamang nila ay upang maabot ang korum at maloko upang piliin ang kanilang nais.

Poisoned minds.

Ikaanim. Walang kapares, mula pa noon. Nag-iisa lamang tuwing dadalo ng pagpupulong ngunit maraming nais maipahayag. Malaki ang ambag sa pagbuo ng pangkalahatang batas na sinusunod ng mga mamamayan. Kahit gaano pa man kalaki ang kaniyang mga naisakatuparan, hindi nabibilang ang kaniyang pangalan sa mga nagsagawa dahil wala siyang kapares. Ayon sa una, ikatlo, at ikaapat na pares, hindi sila tinawag na “Siete Pares” upang magkaroon ng nagiisang kasapi.

Silenced. Shh …

Patuloy na nawawala ang ikapitong pares. Hindi ba swerte ang numerong ito? Bakit tila puro kamalasan ang hatid sa lupain kung saan dumanak ang dugo ng ating mga ninuno at naatim ang kalayaan? Sa bawat ikapito, bakit minamalas ang Pilipinas?

Pitong taon nang pabulusok ang Pilipinas sa internasyonal na entablado. Pitong termino na rin ang nakaraan matapos ang “Golden Era” ng bansa. Pitong katangian ng mga Pilipino na nagpapahirap sa bansa. Pitong pares din ba ng kamalayang panlipunan at pang-gobyernong pagkakakilanlan ang nararapat upang matamo ang nais nating mga mamamayang Pilipino? Sa pag-unlad ng bansa, darating kaya ang ikapitong pares upang muling mabuo ang “Siete Pares”?

This article is from: