3 minute read

Kumusta kaya ang bulsa ko?

Ni: Julianne Lorlyn R. Cusi

Tsokolate, damit, cellphones, at sasakyan.

Advertisement

Karamihan ng mga produkto ay gawa at galing pa sa ibang bansa. Mamahalin at sosyal, ika nga nila.

Marami nang natutuwa dahil ang mga ito raw ay mayroong mataas at magandang kalidad kaysa sa mga lokal na produkto.

Sa lahat ng mga iyan, nababahala pa rin ako sa pagluto ng mga paborito pagkain lalo na ang adobong manok. Maghahanda ng kawali, paiinitin ito, lalagyan ng mantika, at sisimulan ang paggisa, ngunit nasaan ang gigisahin?

Sibuyas ng pala ang inuuna ngunit marahil ay hindi nakabili sapagkat tumaas ang presyo nito, masakit na sa bulsa para sa isang piraso at hindi pa rin sapat dahil sa liit nito. Hindi lang sibuyas ang tumaas ang presyo, pati na rin ang iba pang mga gulay at pagkaing kadalasang inaani.

Magtitimpla na lang ako ng kape sapagkat tagos sa katawan ang lamig na umaaligid ngayon, ngunit bakit parang mapait? Naalala ko na, wala nga pala akong nilagay na asukal. Tinitipid na lang dahil mapait din sa pakiramdam na nagkakaroon ng shortage ang mga ito kaya paniguradong tumataas na rin ang presyo.

Kulang na naman ang sangkap ko sa kape upang maging masarap ang pagpapainit ko sa malamig na panahon. Magpapahangin na lang sa labas ngunit may kasama pang malalakas na ulan.

Tiyak na hindi rin maganda ang kondisyon ng mga palay dahil sa epekto ng panahon na nararanasan ngayon. Hindi lang sa produksiyon nito ang naaapektuhan, pati na rin ang ibang mga tanim na importante upang tayo’y may maihanda sa lamesa at mabuhay. Posible kayang tataas ang presyo nila?

Lahat na lang ay tumataas dahil lahat na ba ay may kulang? Kulang sa kontrol? Kulang sa plano? At higit sa lahat, kulang sa suplay? Kaunti na lang ay bibili na ako sa tindahan ng tinatawag na “high quality” sugar, imported daw kasi ito o kaya magaalaga na lang ako ng isda para hindi na ako mamili pa sa palengke

Kahit saan pa lumingon, ganito na talaga ang mga nangyayari sa sektor na ito. Ang isa sa mga alam na natatanging solusyon ay mag-import ng mga produkto na maaaring kaya namang ibigay ng lokal na pamilihan kung nanaisin na gumawa pa ng iba pang mga paraan.

Hindi ito maliit na problema sapagkat lahat tayo ay maaapektuhan kung ano man ang pipiliin at isasagawang desisyon ng mga namamahala sa Departamento ng Agrikultura – kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at iba pa, pati na rin ang wallet nating mga mamamayan.

Sa ngayon, naninirahan ako sa bansang puro “imported products” ang nananais kaysa sa mga lokal na produktong gawa mula sa ating bansa. Mayroong magandang kalidad at magkakaroon ng sapat na suplay para sa mga produkto, ngunit sapat ba ang pera ko pambili ng mga ito? Kung ganoon nga, kumusta naman ang bulsa ko?

This article is from: