
3 minute read
KARA DAVID: Instrumento sa Tao
Ni: Kyla Sophia V. Lagrisola
"Ang success para sa akin is happiness and contentment, and ‘yung nakapagpapasaya ka ng ibang tao.” ani Kara David.
Advertisement
Si Kara David ay isang Pilipinong mamamahayag at television host. Isa sa mga news anchor ng News to Go sa GMA Network, host at manunulat sa I-Witness, at ang bagong pangulo ng journalism department sa University of the Philippines – College of Mass Communication.
Bago ang kaniyang tagumpay, siya ay dumaan sa isang mahirap na landas na sa kalaunan ay humantong sa kung ano siya at kung ano ang kaniyang ginagawa ngayon. Ang landas na kaniyang tinahak ay naging daan upang mapatibay ang kaniyang karanasan at makapagturo sa kaniya kung ano ba ang kaniyang passion.
Nang magtapos siya bilang cum laude sa University of the Philippines, nabanggit ni Kara na naging pagsubok sa kaniya ang maghanap ng trabaho. Siya ay sumubok sa GMA Network bilang manunulat subalit halos lahat ng balita ay nasa wikang Ingles at hindi ito ang kaniyang forte.
Nauwi siya sa pagiging Production Assistant – Researcher o PA – Researcher ngunit kalaunan ay nagbunga ang kaniyang pagsisikap nang siya ay naging manunulat para sa Public Affairs Program ng GMA na “Brigada Siete” at “Emergency."
Isa ito sa mga karanasang nagbigay pag-asa sa kaniyang buhay. Hindi man bilang isang manunulat, ngunit ito ang nagtulak sa kaniya upang magpatuloy sa kaniyang lakbay bilang isang mamamahayag.
Noong 2001, nabigyan siya ng pagkakataong maging bahagi ng I-Witness – ang pinakamatagal na programa sa telebisyon ng Pilipinas. Ang “Bitay,” “Selda Inosente,” “Buto’t Balat,” at “Gamugamo sa Dilim” ay ilan sa mga dokumentaryo mula sa programang ito. Ang mga dokumentaryong ito ay nakatanggap ng maraming parangal tulad ng George Foster Peabody Award para sa dokumentaryong “Ambulansiyang de Paa.” Lalo pang lumawak ang kaniyang adbokasiya at hilig sa pagtulong sa mga batang Pilipino.
Si Kara ang pangulo at nagtatag ng Project Malasakit, isang pundasyon na sumusuporta sa mga pamilyang itinampok niya sa kaniyang mga dokumentaryo. isang non-stock at non-profit na pundasyong nagpapaaral sa mga mahihirap na batang Pilipino.
“Hindi malalasap ang tamis ng tagumpay kung hindi paghihirapan,” pahayag ng dating honey collector na si Edrian Bangngayen ng Mabungot, Sallapadan na nakapagtapos na nang may karangalan. Si Edrian at itinampok sa isa sa mga dokumentaryo ng I-Witness at naging iskolar ng Project Malasakit noong 2014.
Ito ay isang patunay na ang Project Malasakit ay isa sa mga paraan at naging tulay upang matulungan ang mga mag-aaral na tulad ni Edrian na makamit ang kanilang pangarap.
Sa kabila ng lahat, si Kara ay nakatanggap na ng sampung internasyonal na parangal at 11 na lokal na parangal para sa kaniyang mga bukod-tanging dokumentaryo at ito at nakapag-ambag sa kaniyang tagumpay ngunit ang kahulugan ng tagumpay para sa kaniya ay hindi ang bilang ng mga parangal at tropeong natanggap.
Sa tuwing nalalaman niyang siya ay iniidolo ng karamihan dahil sa kagustuhan niyang tumulong sa iba, lagi niyang sinasabi na isa lamang siyang instrumento na nagbibigay ng pag-asa sa mga tao.
Ang pagiging mapagkumbaba ay isa sa kaniyang mga katangian at nakapagsasabi na siya ay sinserong mamamahayag na mayroong adbokasiyang makatulong sa iba hindi lamang sa pagsulat ng kanilang mga kuwento. Ang kaniyang tagumpay ay naging bunga ng kaniyang kagustuhang makapagbahagi ng kuwento mula sa iba’t ibang karanasan ng mga tao.
“Isa akong mikropono sa mga taong walang boses o mahina ang boses. Isa akong tulay sa mga taong hindi naaabot ng kalsada. Isa akong salamin sa mga taong hindi nakikita ng gobyerno. ‘Yun lang naman ang ginagawa ko.” pagdidiin ni Kara David — ang intrumento ng mga tao.