4 minute read
Selyadong Alaala
Kuya Jerson,
Magandang araw po, kuya! :) Sana ay makarating sa iyo ang liham na ito. Pero siguro ay gagalitan niyo ako (hehe) – narinig ko kasi noon na binanggit niyo kung gaano kahalaga ang pagiging maagap. Kahit ala-una ng madaling-araw ko isinusulat ang liham na ito, sa papel na naiilawan ng maliit na kandila, nais kong ipaalam na tumatak ka sa puso ng marami (totoo at walang halong pambobola).
Advertisement
Hindi lang ako, marami ang may alam ng iyong likas na kabaitan. Mula sa pagbati sa mga gurong papasok hanggang pagsaway sa mga mag-aaral na tatapon ng basura kung saan-saan, kailan man ay hindi ka nagkulang. Isang tawag mo lamang at paghingi ng tulong (“Kuya Jerson, help!”) – kahit pagbuhat ng mga upuan o pagsalansan ng mga gamit – nariyan ka.
Madalas kitang makita sa ground floor na nag-aayos ng mga upuan at nagpupunas ng sahig upang pakintabin ito. Isa ka sa mga masisipag na maintenance staff kaya naman grabe ang paghanga ko kapag umaumaga ko kayong nakikitang pinapakintab ang sahig! Mula sa ikatlong palapag ng gusaling ito ay kadalasan kitang natatanaw. Isang lingon lamang at alam kong nariyan ka.
Kaya nga, dahil palagi kang nakikita, kilala niyo pa po ba si Alden? Isang manunulat sa Ang Mabinian na tatlong beses nagpabalik-balik sa iyo upang buong-buo at hinog ang impormasyon na makuha niya. Sabi nga niya, namangha siya sa kwento mo pati na rin sa kung paano niyo napagsasabay ang pagtatrabaho sa umaga at pag-aalaga sa mga anak na kasama niyo. Napakasipag niyo nga raw eh, wala naman sigurong hindi sasang-ayon dito dahil syempre, si Kuya Jerson ka!
Maraming nagmamahal sa’yo, kuya! :) Lalo na ang College of Nursing and Midwifery ng Mabini. Nakausap ko nga si Sir Argyle Enesio – isang alumnus – at sinabi niya na, “I’m beyond blessed to experience the care of Kuya Jerson and I’m happy that Kuya Jerson was part of my college journey.” Naks naman, Kuya! Tumatak ka pala sa puso namin eh!
Bilang isa sa “Face of Mabini,” marami ang iyong interaksyon sa mga guro, staff, at mag-aaral. Grabe! Sabi nga nila lahat ng nakakasalubong niyong guro ay binabati niyo eh (pati na rin ang mga mag-aaral); pero kuya, ginalitan niyo nga raw ‘yung kaklase ko (secret sa pangalan) no’ng nagtapon siya ng basura sa gilid ng hagdan. Haha!
Pero ano nga ba ang simula ng iyong journey sa Mabini? Hmm … (insert emojina nagtataka). Halina at mag-backtrack tayo pitong taon mula ngayon. Sabi ni Ma’am Dolores Garcia, bago ka maging maintenance staff ay isa raw po kayo sa labor workers kapag may ginagawa o inaayos sa Mabini. Napapansin po kayo ni Sir Alberto Garcia Jr. palagi – asawa ni Ma’am – at kinuhang maintenance sa Mabini.
Narinig ko rin po kay Alden na sa isinagawang interview sa inyo ay sinabi niyo na malapit na ang loob niyo kay Sir Alberto, o mas kilala sa inyo bilang Sir Jun, dahil inalok kayo ng trabaho sa paaralang ito. Kung kay Ma’am Dolores, o kilala rin bilang Ma’am Doyet, naging close daw kayo kung magkakaroon ng pag-aayos ng mga halaman dahil nga in-charge si Ma’am dito at sa beautification.
Kaya, kuya. Kayo? Kumusta ka naman? Huwag po kayong mag-alala dahil maayos ang lagay ng Mabini. Ginagampanan ng maintenanceat ng iba pang mga staff ang kanilang mga tungkulin. Malinis pa rin ang mga palikuran (lalo na sa ground floor). Bagong punas ang mga sahig tuwing 6:30 na sa umaga. Maayos na nakasalansan ang mga ginamit na monoblock sa tabi ng Sci Lab. Walang pakalat-kalat na balot ng sitsirya o rice bowl. At higit sa lahat, maagap ang mga tao!
Wala ka mang iniwang pisikal na bagay sa bawat isa sa amin upang maalala ka gamit ito, sa bawat kanto, pasilyo, at kwarto ng gusaling ito at nakikita pa rin namin ang imahe mo. Nagma-mop sa ground floor. Nakangiting bumabati sa mga guro kung papasok sa bakal na pinto. Sinisita ang mga kamag-aral ko kung tatapon ng basura sa may canteen. Kausap ang iba pang non-teaching staff malapit sa hagdan. Uuwi nang walang naiwang gawain. Kuya Jerson, wala kang kapalit.
Ngayon, sa bawat mag-aaral, guro, gwardiya, technical, at maintenance na papasok sa Mabini Colleges High School, aalalahanin na lamang ang tamis ng pagbati nang may ‘di mawala-walang ngiti sa mga labi.
Masyadong napahaba yata, kuya! Oh sige, itutupi ko na sa tatlo ang mga papel na ito. Ingatan niyo po ang sobre nito ha! Selyado ang mga alaala ng mga taong direktang napalapit sa iyo rito sa Mabini. Hanggang sa muli.
Paalam, kuya!
Nagmamahal, Mabini Colleges High School Department