3 minute read
Regalo: Noon, Ngayon, at Bukas
Ni : Gerry B. Dela Rosa Jr.
“Yesterday is history.Tomorrow is a mystery and today isa gift.That’s why we call it the present.” – Eleanor Roosevelt.
Advertisement
“Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makararating sa kaniyang paroroonan.” Subalit, gugustuhin mo pa rin bang lumingon kung ang siyang nasa likod mo ay hihila lang sa iyo pailalim?
Ito ang laban ni Jasmin Jade E. Francisco sa Mr. and Ms. Mabini 2022 –laban sa kaniyang sarili at para sa nag-iisang bituin sa kalangitan. Kung susumahin, hindi madali ang laban na ito; may isang bituin sa kalangitan, at marami ang may dalang kawil, baton, arnis, lambat, at kawayan upang masungkit ito. Ang korona sa Mr. and Ms. Mabini 2022. Hindi man ito nakawit ng kawil ni Jasmin, mayroon pa ring nagningning sa kaniyang buhay.
Live in the present. Nakatanim ang linyang ito sa dulong bahagi ng kaniyang isip. Ito ang tumulak sa kaniya na muling sumubok sa pageantry, kung saan napagtawanan noon kung hindi makasagot sa Q&A portion. Ngunit nariyan na, hinila lamang ng isang guro na sumali sa elimination para sa high school department at napili bilang isa sa dalawang babaeng kalahok.
Labindalawa ang kalahok para sa Ms. Mabini, labindalawa lamang sila ngunit sa paningin ni Jasmin ay may isa pang kalahok na hindi nakikita ng iba – ang past self niya. Ito ang naging kalaban niya mula eliminations hanggang sa mismong gabi ng laban.
Ang ika-13 kalahok na ito ang umatake sa kaniyang isip kung dapat pa bang magpatuloy sa labang ito. Pero dahil nga naniniwala siya na ang walang kontrol ang tao sa lahat ng bagay na mangyayari sa kanilang buhay at ang nakaraan ay dapat na manatiling nakaraan, naging matatag siya at pinagpatuloy ang labang nasimulan. Sa mga pagkakataong mahirap magpatuloy, kailangang makahanap ng mga tulad ni Jasmin ng tutulak upang muling magsimula. Kahit mahigit tatlong linggo pa lamang niya kakilala ang kaniyang mga kaklase at bagong kaibigan, malaki ang naging ambag nila sa pagtulak sa kaniya upang pumaunahan. Ang kaniyang mga kaibigan, ang gurong naghila sa kaniya, at lalong-lalo na ang kaniyang sarili.
Dahil sa kalagitnaan ng pagdadalawang-isip sa sariling kakayahan, nagpatuloy siya; kahit mahirap na sumubok muli, “laban lang!”
Lahat ng mga pangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Lahat ng gusto nating gawin ay may mabuti o di-mabuting kalalabasan. Si Jasmin, na muling pumasok sa pageantry at hinarap ang kaniyang nakaraan, ay magsisilbing inspirasyon sa mga mahilig na “i-doubt” ang kanilang mga sarili. Natukoy ni Jasmin na kahit hindi niya nasungkit ang bituin, ang liwanag na bigay ng tao sa paligid siya ay mas maningning pa sa kahit anong koronang papatong sa kaniyang ulo. Patuloy na harapin ang ating nakaraan. Patuloy na kilalanin ang sarili. Patuloy na isantabi ang mga naging pagkukulang. Dahil nga, nakatira tayo sa ngayon at walang ibang mas mahalaga kundi ang present – regalo, tulad ng natanggap at nahanap ni Jasmin sa alon ng pagsungkit sa langit.