2 minute read

Kaso ng Cholera pumalo ng 282% kumpara noong nakaraang taon — Vergeire

ni: Jether B. Villafranca

Tinatayang umabot sa 3,729 ang kaso ng Cholera sa Pilipinas, mas mataas ng 282% kumpara sa nakaraang taon na 976 lamang, ayon kay Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.

Advertisement

Umabot sa 33 katao ang nasawi simula noong Enero dahil sa naturang sakit kung saan nagmula ang karamihan ng kaso sa Silangang Visayas, Rehiyon ng Davao, at Rehiyon ng Caraga.

Ang mga batang edad lima hanggang siyam ang karaniwang nakakakuha ng sakit na Cholera dahil sa kanilang hindi ligtas na pag-inom ng tubig.

“We know that tag-ulan ngayon maraming pagbaha maraming napupunta rin sa mga evacuation center natin and because of this kind of calamities, ‘yung water system natin mostly affected lagi kapagka ganyan, specially in this kind of areas” ani Vergeire.

Kamakailan lamang, muling nakapagtala ng kaso nitong ika-28 ng Agosto hanggang ika-24 ng Setyembre na pumalo ng 258 kaso na nagmula sa rehiyon ng Bicol, Kanlurang Visayas at Silangang Visayas.

Idinagdag din ni Vergeire na, “May mga namamatay, dahil kasi ang cholera kapag hindi natin naagapan, nagkakaroon ng severe dehydration ang mga pasyente lalong-lalo na kung ang mga pasyente na may cholera is immunocompromised o kaya ay vulnerable…”

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Cholera ay isang “acute diarrhoeal” na sakit na kayang pumatay ng isang tao sa loob lamang ng isang oras kapag hindi agad nagamot.

Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang lahat na siguraduhin na ligtas ang iniinom na tubig at kapag hindi naman sigurado ang iinumin ay pakuluan muna ito kahit 20 minuto at huwag kalimutan ang paghuhugas ng kamay.

Sa ngayon, wala pang lugar ang nagdedeklara ng outbreak na kaugnay sa kaso ng Cholera sapagkat ito’y kaya pang makontrol ng lokal na pamahalaan.

This article is from: