
3 minute read
Sierra Madre: Gulugod ng Luzon, Kalasag ng Kalikasan
ni: Sidney Sheldan M. Denum
Kamakailan lamang ay muling pinaigting ang panawagan para sa pangangalaga sa Sierra Madre matapos ang malaking papel na ginampanan nito sa pagpapababa ng epekto ng Bagyong Karding sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon.
Advertisement
Binansagang gulugod o ‘backbone’ ng isla ng Luzon, ang Sierra Madre ay ang pinakamahabang bulubundukin sa bansa. May haba itong 514 kilometro na nagsisimula sa hilaga, sa Sta. Ana, Cagayan, pa-timog sa lalawigan ng Quezon.
Ang nasabing bulubundukin ay ang natural na panangga ng Luzon laban sa mga malalakas na bagyo, maging sa mga super typhoon. Katunayan, ilan sa mga malalakas na bagyo, tulad ng Bagyong Karding, na dumaan sa bansa ay pinahina ng ating ‘natural barrier’. Binabasag nito at sinasalag ang lakas at pinsala ng bagyong tumama sa lupa.
Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 413, ipinagdiriwang natin tuwing ika26 ng Setyembre ang ‘Save Sierra Madre Day’ upang paalalahan ang publiko sa kahalagahan ng pangangalaga ng ating kabundukan.
Subalit, noong 2019, ipinanukala ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam na magtatagal simula Enero 2020 hanggang Disyembre 2025. Ang proyekto ay may layuning tugunan ang pagtaas ng demand ng tubig. Ito rin ang sinasabing magiging solusyon sa kakulangan ng tubig sa buong Luzon sa pamamagitan ng pagtatayo ng dam para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) service area.
Sa kabila ng positibong epekto nito, hindi maikakaila na mas nangingibabaw ang panganib na dulot nito sa kalikasan pati na sa mga mamamayang nakatira malapit dito. Sa usaping pangkapaligiran, idineklara ng
Haribon Foundation na ang nasabing dam ay nakakasira sa biodiversity ng lugar. Naapektuhan nito ang species ng wildlife, kabilang ang critically endangered Philippine eagle at iba pang naninirahan malapit sa kabundukan. Bukod sa pagkasira ng natural na habitat, ang pagpapatatag sa kabundukan ay nagiging sanhi ng pagtaas ng tsansa na nakakaranas tayo ng matinding epekto ng kalamidad. Lubhang nakakaapekto rin ito sa pamumuhay ng mga katutubong mamamayan sapagkat mawawalan sila ng pinagkukunan ng hanapbuhay at mawawasak ang kanilang kinagisnang tahanan.
Sa halip na magtayo ng panibagong pangmalawakang dam, nararapat na paigtingin ng gobyerno ang pag-aayos at pagpapabuti ng mga kasalukuyang dam, pagprotekta at pagsasaayos ng mga nasirang watershed gayundin ang pagtuklas sa mga bagong teknolohiya na makakatulong sa pagrecycle ng tubig at paghikayat sa ating kapwa Pilipino na magtipid sa pagkonsumo ng tubig.
Kaya naman, patuloy tayong makilahok sa panawagan na magkaisa sa adhikain na protektahan at sagipin ang kabundukan ng Sierra Madre mula sa kamay ng mga mapagsamantalang kawani ng pamahalaan upang patuloy tayong protektahan nito mula sa mapaminsalang sakuna.
Samakatuwid, ang Sierra Madre ay tunay na maituturing na gulugod ng Luzon at ang kalasag ng kalikasan. Huwag nating hayaan na mawasak ang ating pangunahing depensa sa mga sakuna. Panahon na para makiisa, kumilos at protektahan ang ating natural na panangga.