
4 minute read
Pagtangis ng Isipan Pakinggan
ni: Aldwin Jake Caramoan
Ika-11 at 12 ng Agosto, 2022 nang magsagawa ang Mabini Colleges ng isang Psychological First Aid (PFA) sa Flora Ibana Campus para mabigyan ng pagpapahalaga at atensyon ang kalusugang pangkaisipan ng mga estudyante, kasama ang kani-kaniya nilang tagapayo sa kanilang silid-aralan kung saan sila ay nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad na nakapokus sa kanilang nararamdaman.
Advertisement
Isa sa bawat apat na Pilipino ang nakaranas ng depresyon simula ng umusbong ang pandemya. Sinasabing ang dahilan nito ay ang halos walang katapusang lockdowns at quarantine na naging dahilan para makulong ang mga tao sa sari-sariling mga tahanan. Hindi maaring makipaghalubilo o kahit ang magtanggal ng facemask kapag nasa pampublikong lugar sa takot na mahawaan ng virus na covid-19. Ngunit ngayon na mayroon nang pagluluwag, naapektuhan na naman ang mentalidad ng bawat isa, lalo na ng mga estudyante, sapagkat ngayon na lang muli sila papasok sa klase na face to face matapos ang humigit kumulang 2 taon ng online classes.
“Kaartehan lang ‘yan!” Iyan ang madalas mong maririnig na sasabihin ng mga nakatatanda kapag kalusugang pangkaisipan na ang pinag-uusapan. Para sa kanila hindi ito masyadong importante kumpara sa mga isyung kinakaharap natin sa lipunan subalit, hindi naman dapat ipinagkukumpara ang mga isyu dahil ang lahat ng problemang kinakaharap ay mahalagang mahanapan ng kasagutan para sa ikabubuti ng pamumuhay ng mga tao.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) suicide ang ika-25 na dahilan nang pagkamatay ng mga Pilipino noong 2020. Kinuha nito ang buhay ng 4,420 katao, mas mataas kumpara noong 2019 na umabot sa 2,810 ang buhay na nawala dahil sa suicide at kawalan ng pagpapahalaga sa mental na kalusugan ng mga Pilipino.
Kada araw tumataas pa ang mga numerong ito kaya ito ay dapat huwag hayaan na magpatuloy pa. Ang mga Pilipino sa bansa ay dapat gumalaw, magbago at tumigil sa pagpapawalang halaga sa mga isyung pangkaisipan dahil kung titigilan na ang mga mentalidad na nagsasabi na ito ay gawa-gawa lamang at kaartehan mas makabubuti ito para sa pag-iisip ng marami at sa kanilang emosyong nararamdaman. Huwag hayaan na may magpakamatay pa dahil ngayon ang tamang oras upang sila ay pakinggan at unawain.
Ang pagsasagawa ng Mabini Colleges ng PFA ay isang maliit na hakbang para sa isang malaking layunin, ang layuning maisaayos at mapabuti ang kalusugang pangkaisipan ng mga estudyante sa institusyon. Naging dahilan ito para mailabas ng mga mag-aaral ang kanilang tunay na nadarama nang hindi natatakot na mahusgahan at maganda ang nangyaring aktibidad na ito dahil marami sa mga estudyante ang nakahinga ng maluwag sapagkat nailabas nila ang mga kinikimkim na sama ng loob.Dahil din dito, mas pinagtibay ang tiwala at samahan ng mga mag-aaral at kanilang naintindihan na ang pagiging support system sa buhay ng isa’t isa ay makabubuti para sa kanila.
Kinakailangang magsagawa pa ng mga programang katulad nito ang maraming institusyon at paaralan mula sa iba’t ibang bansa. Mas mapapaganda nga kung tutulong at gagalaw din ang gobyerno para mas mapalawak ang sakop ng mga matutulungan. Maaari tayong magsagawa ng mga seminar o ‘di kaya nama’y mga infomercial na naglalayong imulat ang mga mata ng tao sa kung ano nga ba ang mental health at paano natin ito mapapangalagaan. Katulad ng kalusugang pang pisikal, ang kalusugang pang kaisipan ay isa ring mahalagang parte ng ating buhay dahil hindi magiging produktibo ang mga mag-aaral kung hindi maayos ang estado ng kanilang isip at walang matatapos na trabaho ang mga empleyado kung puro problema lamang ang kanilang naiisip.
Propesyonal, manggagawa, estudyante, maging mga politiko, lahat ng tao ay nakakaranas ng problema sa kalusugang pangkaisipan. Wala itong pinipili, bata man yan o matanda. Kaya kinakailangan ng lahat na imulat ang mga mata upang makita ang problema, buksan ang mga tainga upang pakinggan ang mahihina at malalakas na hinaing ng iba at intindihin ang kanilang mga nararamdaman upang mabigyang linaw ang kanilang kahalagahan sapagkat ang problemang may kinalaman sa mental health ay totoo.