3 minute read
Tahanang Patuloy na Nasisira
ni: Jether B. Villafranca
A no ang iyong mararamdaman kung ang iyong bahay ay sinira ng ibang tao?
Advertisement
Karaniwang mararamdaman ay galit at lungkot na kung saan minsan, gusto na natin magwala o magmukmok kahahanap ng hustisya sa nangyaring hindi makatarungan. Kung ang mararamdaman ng tao ay ganito, paano naman kaya kung ang mga lamang-dagat ang apektado? Magagalit at malulungkot din kaya sila? Mapakikinggan ba natin ang kanilang mga hinaing?
Tunay ngang napakasakit ang mawalan ng tahanan, ganiyan din siguro ang nararanasan at nararamdaman ng mga isda, hipon, alimango at iba pang lamang-dagat na naninirahan sa kanilang tahanan o mas kilala natin sa tawag na “mangrove” na mukhang nakakatakot pero hindi naman gaano dahil marami ang benepisyong naibibigay nito sa ating kapaligiran.
Ang mangrove ay isang ligtas na lugar at nagsisilbing habitat para sa mga lamang-dagat. Ito ay tinaguriang “nursery” ng mga isda dahil ito ang kanilang nagiging proteksyon o ligtas na lugar upang hindi sila basta-basta makuha at makain ng mga malalaking isda o predator at dito rin nila karaniwang dinadala ang kanilang mga maliliit na anak upang ligtas itong lumaki.
Hindi lamang sa mga isda nagbibigay ng proteksyon ang mangrove dahil sa tulong ng mga punong ito ay humihina ang hangin at ang alon na may dalang malakas na hampas na maaring magdulot ng masama at pagkasira.
Subalit, hindi maikakaila na ang mga mangrove rin ay isang magandang pinagkukunan ng mga ginagamit sa paggawa ng bahay tulad ng kahoy, nipa, at uling, ngunit kapag nasobrahan sa pagkuha nito ay malaki ang epekto nito sa karagatan.
Sa isang araw, madalas na isda, at iba pang lamang dagat ang pagkain na nagbibigay ng lakas at enerhiya sa mga tao. Kaya kung magkukulang ang suplay nito dahil sa kawalan o pagkasira ng kanilang tahanan ay maaaring tumaas ang kanilang presyo, at bihira na itong makakain ng madla. Kung kaya’t naaapektuhan ang lahat kapag ang mangrove na kanilang tahanan ay nawawasak.
Sa ngayon, unti-unting nasisira ang mangrove dahil sa labis na pagkuha ng kahoy, nipa, at uling ng mga tao. Malaki ang epekto nito sa mga isda na nakatira roon sapagkat mawawalan sila ng tahanan kapag nasira ang mangrove. Isa pang dahilan ay ang urbanisasyon dahil sa patuloy na pag-unlad ng ibang lugar ay tila nasasagasaan na ang likas na yaman para lamang sa mga pagbabagong inaasam.
Laging tandaan na kahit tayo’y nag-aasam ng pagbabagong makabubuti sa lahat ay huwag kalimutang maging responsable sa bawat kilos na gagawin. Panatilihin ang pangangalaga sa kalikasan lalo na sa mga mangrove sapagkat ito ay tahanan ng mga isda at marami ang maapektuhan kapag patuloy na nasisira ang mga ito sa bansa. Dapat alalahanin ng lahat na hindi lamang mga isda ang apektado, kung hindi ang mga tao rin dahil mababawasan ang suplay ng isda kung pababayaan ang mga mangrove, at kapag ito ay nangyari, ang mga tao rin ang pinaka maaapektuhan. Dagdag pa rito, ang pag-iisip nang mabuti ay isagawa upang ang tahanang nasisira ay maiwasan.