4 minute read
Walang Sawang Pagwiwisik, May Benepisyo Ba?
ni: Jamae B. Pelleja
Wisik dito, wisik doon, isa pa ngang wisik dahil parang hindi pa sapat ang mga wisik na ito. Amoy matapang na ang buong silid-aralan dahil sa kakawisik ng isopropyl alcohol ng batang si Tyrone.
Advertisement
Tila nasa ospital na nga raw ang lahat sabi ng iba sa kaniya kaya napuno ng tawanan at malalakas na halakhak ang buong silid.
“Atleast, mas ligtas diba?
Atsaka hoy! Mabango naman! Pero oo nga amoy ospital na…” Pabiro ngunit makatotohanang ani ni Tyrone na nagnanais lang naman ng kalinisan sa buong silid.
Simula noong kasagsagan ng Coronavirus o CoViD ay naging mas mabenta ang isopropyl alcohol sa bawat supermarket at mga botika sa Pilipinas, maging sa ibang bansa. Nagpapaunahan nga noon ang mga tao sa pagbili kaya madalas itong maubos sa bawat pamilihan. Hindi naman na ganoon kalala ang sitwasyon, subalit hindi pa rin maikakaila na ito ay mahalaga kaya ito ay dala ng marami sa bawat lugar na kanilang pinupuntahan. Halimbawa nito ay si Tyrone na laging may dalang bote ng alcohol sa kanilang paaralan at sa kung saan pa man siya pupunta.
Mahalaga ang paggamit ng alcohol o kaya naman ay sanitizer bago kumain, pagkatapos kumain, bago may hawakan at kapag may hinawakan na. Ito ay kabilang sa mga essentials na dapat dalhin ng bawat estudyante, mga propesyonal, at iba pa dahil pinipigilan at pinapatay nito ang paglaki o pagdami ng fungi, bacteria at virus sa balat, sa katawan o maging sa paligid. Ang alcohol at sanitizer ay para sa external use only o sa labas ng katawan lang dapat gamitin sapagkat maaaring malason ang tao kapag ito ay pumasok sa katawan o kapag ito ay nainom.
Ang alcohol at sanitizer ay may mga laman na: Ethanol, Purified Water, Glycerin, Polyhexamethylene Biguanide, Benzalkonium Chloride, Aloe Barbadensis Leaf Extract, Propylene Glycol, at iba pa. Ethanol at ay mahalaga dito bilang isang astringent upang matulungan at mapanatiling malinis ang balat dahil sa bisa nito sa pagpatay ng mga makrong organismo. Ang Purified Water ay malinis na tubig na naproseso upang alisin ang mga dumi tulad ng mga kemikal at iba pang mga kontaminante. Ang Glycerin, Polyhexamethylene Biguanide, at Benzalkonium Chloride ay may mga epektibong kakayahan sa pagpatay ng mga bacterya at mikrobyo. Aloe Barbadensis Leaf Extract naman ay nagmula sa katas dahon ng halamang aloe vera at pareho sila ng Propylene Glycol na nag ma-moisturize ng balat upang hindi ito matuyo.
Maliban sa paggamit ng alcohol o sanitizer, mainam din na ugaliin ang pagsasabon ng mga kamay dahil ito ang bahagi ng katawan na pinakamadalas na ginagamit ng tao kaya ito ay madaling dapuan ng iba’t ibang uri ng fungi at iba pa na may masamang binabalak sa kalusugan at katawan. Kapag hinayaan naman na may marumi sa sarili o sa anumang bahagi ng katawan ay delikado ang kalusugan sapagkat maaaring sumama ang pakiramdam ng tao.
Marami at malaki ang benepisyo ng sabon, sanitizer at lalong lalo na ang alcohol kahit lumuwag na ang sitwasyon ng CoViD sa Pilipinas dahil kahit papaano, ang pagpapanatili ng kalinisan gamit ang mga ito ay nakatutulong sa bawat tao lalo na’t mahirap ang magkaroon ng sakit ngayong panahon. Kagaya nga ng madalas na sinasabi ni Kuya Kim Atienza, “ligtas ang may alam,” isang mensahe na nagsasabing dapat alam natin ang mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid kagaya ng pagiging huwag kampante sa pagluwag ng sitwasyon at tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga sarili.
Araw-araw, si Tyrone ay hindi nakalilimot na magwisik ng alcohol sa kanilang silid-aralan, lagi rin siyang nagwiwisik o kaya nama’y nagpapahid ng sanitizer sa kamay kapag kailangan, at higit sa lahat ay nagdidisimpekta ng katawan bago umuwi at bago pumasok sa kanilang tahanan. Tila hindi nauubusan sa alcohol at sanitizer si Tyrone sapagkat hindi siya nag-aalangan na magdisimpekta nang magdisimpekta na kahit pa biruin siya ng kaniyang mga kaklase at kaibigan ay sinabi niya pa rin na “mas mabuti na ang amoy ospital ang silid kaysa naman wala tayong pangamoy kaya kayo! Oo kayo! Mag-alcohol at sanitizer kayo palagi, ugaliin rin ang magsabon para iwas sa sakit at para 99.9% ng bacteria o virus ay patay!”