3 minute read

MICHAEL BALIZA: INTERES, PANGARAP, GINTO

ni: Gem Hilary P. Pentecostes

S i Michael Larry Baliza ay isang mag-aaral sa institusyon ng Mabini Colleges magmula noong siya ay Junior High School hanggang ngayon kung saan siya ay Senior High School o nasa ika-12 na grado mula sa seksyon ng Faraday. Siya ay isang magaling na mag-aaral na nagsusumikap sa buhay at itinanghal na panalo sa patimpalak na tungkol sa electronics sa Bicol Regional Skills Competition 2022 sa Legazpi, Albay na pinamunuan ng TESDA, Region V kung saan si Michael ay umuwi ng mayroong gintong medalya ng may masayang ngiti sa mga labi.

Advertisement

Ayon kay Michael, ang kaniyang interes sa electronics ay nagsimula sa murang edad. Noong una, siya ay nangongolekta lamang ng mga sirang laruan na sa kaniyang tingin ay maaaring irecycle o magamit muli. Ang mga laruan na ito ay kaniyang sinisigurado na may DC motors, gears, wires, baterya, at marami pang iba na sa kaniyang tingin ay kapaki-pakinabang. Simula raw noon ay nabuo ang kaniyang pangarap na lumikha at mag-imbento ng mga elektronikong kagamitan na maaaring makatulong sa pang araw-araw na buhay, hindi lang sa buhay niya dahil pati na rin ito sa buhay ng iba.

Ang ilan sa kaniyang mga pangarap ay hindi posible dahil sa maraming bagay, subalit ang pinakapumigil sa iba pa niyang mga gusto at kailangan ay ang kakulangan sa pondo o mga problemang pinansyal dahil siya ay bata pa lamang. Subalit nang lumipas ang mga panahon, sa kaniyang ilang taon na paghihintay ay may dumating na pagkakataon kung saan siya ay binilhan ng kaniyang ama ng isang set ng precision screws na nakatulong sa kaniya kaya siya’y lubos na nagpapasalamat dahil sa regalong natanggap. Kaniyang tuwang tuwa na ipinahayag na dito na rin nagsimula ang kaniyang pagbuo ng isang negosyo patungkol sa pag-aayos ng mga teleponong may problema o sira kung saan marami ang mga nagpaayos at nagpapaayos pa sa kaniya ng mga telepono.

Sa kaniyang pagpapatuloy sa ginagawa, habang isinasabay dito ang kaniyang pag-aaral ay napansin niya na siya ay mas bumubuti, mas natututo at mas nasasanay kaya ito ay kaniyang naging inspirasyon upang ipagpatuloy ang kaniyang talento, talento na naging sanhi ng kaniyang pagsali sa mga patimpalak na tila simula ng kaniyang mahirap ngunit magandang karera sa buhay.

“Nabalitaan ko lang din noong nakaraan na nagkaroon ang TESDA ng scholarship kaya ako ay nasasabik dahil sa wakas ay mas makatutulong ito sa pagpapalawak ng aking kaalaman at karanasan,” ani ni Michael.

“Simula nito ay tinulungan ako ni Ginoong Brian L. Dioneda na isang guro sa Mabini na mahusay sa computer programming, electronics at iba pa. Tinulungan ako ni coach na paunlarin ang aking husay sa electronics at ako ay lubos na nagpapasalamat na ako ay pinili niya para lumaban sa panlalawigan at rehiyonal na kompetisyon sa TESDA kung saan ako ay nanalo ng ginto,” dagdag pa ni Michael na masaya, nagagalak sa sarili, at lubos na nagpapasalamat sa kaniyang iniidolong coach.

Sa kaniyang pagkapanalo sa Regional na kompetisyon ay ang simula na rin ng kaniyang paghahanda para sa Pambansang Kompetisyon ng World Skills Philippines ngayong Abril dahil si Michael ay napili na lumaban dito bilang pambato ng Bicol. Siya at ang kaniyang coach na si Ginoong Dioneda ay nasasabik sa darating na tagisan ng talento sa electronics na may layunin ulit na maiuwing muli ang ginto para sa paaralan, mahal sa buhay, pamilya, sarili at higit sa lahat, para sa pangarap.

This article is from: