3 minute read

Pinya kayo diyan!

ni: Kristina Cassandra T. Gonzaga

Bentang-benta sa panlasa ng mga Pinoy ang mga pagkaing matatamis at maasim, kaya naman isa ang pinya sa pinaka paborito nating kainin at ihain sa mesa bilang panghimagas matapos ang masarap na pananghalian. Habang ang iba pa nga, ay nilalagay ito sa iba’t ibang putahe na kanilang niluluto, tulad ng patatim, atsara, at pininyahang manok.

Advertisement

Ang pinya o pineapple (ananas comosus) ay nagmula sa Timog Amerika, pinangalanan ito ng mga sinaunang mga kolonisador ng Europa dahil sa pagkakatulad nito sa isang pine cone. Bukod sa masarap na lasa ng pinya, isa rin sa mga rason kung bakit palagi itong inihahain sa plato ng mga pinoy ay ang mga benipisyo nito sa ating kalusugan.

Ang pinya ay nakatutulong para sa pagpapanatili ng malakas at malusog na immune system natin. Nakatutulong din ito sa paglaki at paglakas ng ating mga buto at pati na sa pagpapanatili ng isang malusog na metabolismo. Sinasabi ring naglalaman ito ng iba-ibang klase ng sustansiya tulad ng protein, fiber, carbs, vitamin c, manganese, potassium, at vitamin B6. Naglalaman din ito ng antioxidants na nakatutulong para malabanan natin ang iba’t ibang klase ng sakit.

Subalit, hindi lamang ito ang dahilan kung bakit napamahal na sa mga pinoy ang pagkain ng pinya. Sa lalawigan ng Camarines Norte, isang uri ng pinya ang napansin pa, kaya ito ay unti-unting umuunlad. Ito ay ang Formosa na tinaguriang “The Queen pineapple” dahil sa kakaiba nitong tamis at sarap na hindi makalilimutan ng dila. Ang lupa sa lalawigang ito ay mayaman sa potassium akma sa pangangailangan para makapagtanim ng pinya, dahil dito 96% ng kabuohang produksiyon ng 118,492.25 metrikong tonelada ng pinya noong 2014 ay nanggaling sa lalawigan.

Bukod sa pagkain at pagbebenta ng pinya bilang panghimagas, maari rin itong gawing tela na tinatawag na “piñatex”. Ito ay ginagawang tela sa pamamagitan ng paggamit ng dahon ng prutas at pagproseso rito para maging fibers na siyang pinagtatagpi-tagpi para maging bag, sapatos at iba pa.

Kaya naman huwag nating tawagin ang pinya, bilang “pinya lang,” dahil ang pinya ay higit pa sa pagiging prutas at pagkain. Naging dahilan ito para magkaroon ng trabaho ang libo-libong magsasaka, ito rin ang naging dahilan kung bakit nakapagtapos sa pag-aaral ang ilang Pilipino at naging parte ng rason kung bakit umuunlad ang agrikultura sa bansa. Kaya’t sa susunod na makarinig ka ng “Pinya kayo diyan!” Isipin mo kung ilang buhay ang mababago sa pagkain ng isang matamis at masarap na prutas tulad ng pinya.

This article is from: