4 minute read

TUNAY NA DARNA

ni: Gem Hilary P. Pentecostes

“D ing! Ang bato!” Iyan ang sabi ng bida bago siya nagpalit ng anyo bilang isang superhero sa laging pinapanood ni Chloe na palabas, ang Mars Ravelo’s Darna na nagbibigay humaling ngayon sa sangkatauhan. Ang bidang si Darna ay may angking kakayahang taglay at kabutihan sa puso kaya siya ang naatasan na magbigay proteksiyon at alaga sa batong makapangyarihan. Sa layunin na mayroon siya ay ginagamit niya na rin ito upang bigyan ng tulong at proteksyon ang kaniyang kapwa laban sa kapahamakan, kasamaan at iba pang hindi magandang bagay na nagaganap sa bansa.

Advertisement

“Sa totoong buhay, may Darna ba talaga dito sa Pilipinas?” Tanong ni Chloe.

Kamakailan lamang nagkaroon ng bagyong Karding (Noru) na tumama sa Pilipinas noong ika-25 na araw ng Setyembre 2022. Ito ay isang “super typhoon” na may dalang pinakamalakas na hangin: 300 km/h (200 mph) sa loob ng sampung minuto at 480 km/h (300 mph) sa loob ng dalawang minuto. Subalit, ang malakas na bugsong daladala nito ay pinahina ng bulubundukin na kilala sa pangalan na Northern Sierra Madre Natural Park o ang Sierra Madre. Ang Sierra Madre ay isang napakalawak na anyong lupa na nasa 1.4 milyong ektarya kung saan binubuo ito ng 40 porsyento ng natitirang kagubatan sa buong bansa. Ito ay mayroong haba na 500 km kung saan sampung probinsya ang abot nito: ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Rizal, Laguna, at Quezon. Bukod sa malawak na anyong lupa ay marami ang naninirahan na iba’t ibang hayop dito: 201 na uri ng mammals, 85 na uri ng amphibians, at 252 na uri ng mga reptilya. Nasa mahigit 3,500 na klase naman ng puno at halaman na kapaki-pakinabang ang matatagpuan sa bulubundukin at kagubatan.

Bagyong Ompong (Mangkhut), Bagyong Lawin (Haima), Bagyong Karen (Saika), at Bagyong Karding (Nomu), ang mga bagyong nabanggit ay mga pinahina ng Sierra Madre kung saan malaki ang silbi ng kagubatan ng Sierra Madre dahil isa itong natural na panangga laban sa mga talamak na unos na maaaring makapagbigay ng malalang epekto sa bansa. Subalit, sa kabila ng kapakinabangan nito sa bansa lalo na sa parte ng Luzon, ay hindi maikakaila na nangangailangan din ito ng pangangalaga at proteksiyon.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang bulubundukin ay nawalan na raw ng 161, 240 hektarya sa loob ng 12 taon, mula 1998 hanggang 2010 at sinabi rin ng DENR na kada taon ay nawawalan ang Sierra Madre ng average na 1,400 hektarya ng bulubundukin. Ito ay dahil daw sa ilegal at legal na pagmimina, pangangaso, pagpuputol ng puno, koleksyon ng panggatongkahoy, pagpapalit ng lupa, pagtotroso, pagpapagawa ng mga kalsada at dam, pagpapalawak ng tirahan ng tao, at marami pang iba kung saan ang lahat ng ito ay patuloy na nagbibigay ng masamang epekto hanggat hindi pa rin napipigilan.

Mula kay Arceli Mercado, namumuno sa Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA), “Ang Sierra Madre ay napakahalaga para sa pagprotekta sa mga probinsiya ng Pilipinas lalo na’t marami ang bagyong dumarating kada taon na mas palakas ng palakas at mas maaring makapagdulot ng destruksiyon sa mga imprastraktura at agrikultura.”

Dagdag pa niya na “Nasa yugto na tayo ng emergency sa klima at hindi natin kayang mawala ang Sierra Madre dahil ang epekto ng mga bagyong darating sa susunod na mga panahon ay maaaring maging sakuna at magdulot ng pagkawala ng maraming buhay.” Ang mga isinaad ni Mercado ay upang mahikayat ang mga tao na magkaroon ng pakialam dahil ang kamalayan ang pinakakailangan upang ang mga problema ay maresolba at upang mas mabigyan ng pangangalaga at karampatang pansin ang Sierra Madre pati na rin ang iba pang mga natural na lugar at likas na yaman ng bansa. Kaniyang ipinahiwatig na kailangan din ng tulong ng Sierra Madre upang masugpo ang mga taong mapanlamang sa kalikasan. Hindi lang ang likas na yaman ang dapat magbigay proteksiyon, ang mga tao ay dapat ding umaksyon.

“Aha! Ang tunay na Darna ay ang Sierra Madre dahil sa kaniyang mga depensang ambag sa bansa tuwing may mga bagyong naghihimagsik! Ngunit, maaari ring maging tunay na Darna ang mga tao kung magbibigay din tayo ng proteksiyon, tulong, pangangalaga, at pagmamahal sa kalikasan ng bansa lalong lalo na sa Sierra Madre!” Sigaw ni Chloe nang kaniyang naisipan na ihambing si Darna sa Sierra Madre na nagbibigay sa kaniya ng malawak na ngiti sapagkat siya’y tuwang-tuwa sa kaniyang napagtanto na ang bulubundukin, siya, at ang lahat ng tao ay puwedeng maging tunay na Darna kahit walang bato na magbibigay ng kapangyarihang kakaiba. Si Chloe ay nagpatuloy sa panunuod at sa kada episode na lumilipas arawaraw ay mas nagbibigay ito ng sabik sa kaniyang kalooban at inspirasyon upang maging katulad ngbida.

This article is from: