2 minute read
Kadena ng Nakaraan, Kampana ng Kinabukasan
Ni: Alden Joshua V. Caceres
Klang! Klang! Klang!
Advertisement
Tunog ng isang nagpupumiglas na batang gustong kumawala habang siya ay nakagapos sa puno ng akasya. Makikita sa kaniyang mukha ang pagkauhaw sa kaalaman. Mahabang panahon na ang lumipas magmula nang siya ay makalusong sa batis ng makabago at mas malalim na pag-iisip.
May piring sa mata at gapos ng kadena. Hindi makita kung gaano na kalawak ang pinagbago ng paligid na dating ginagalawan niya. Tunay na siya’y napaglumaan habang ang iba ay nahuhulma na.
Sa patuloy na paggalaw ng sugatan niyang katawan, sa bawat pagtusok ng puno ng akasya, at sa sobrang sakit na dulot nito, ininda niya lahat alang-alang sa kaalaman. Hindi ito nagpatunaw sa paninindigan, bagkus lalong pinatibay ang kaniyang loob.
Hinangin ang piring na dating nakatakip sa kaniyang mata at muli niyang nasilayan sa malayo ang lugar na kanyang babalikan. Sa kaniyang pagbangon isang malakas na pagbagsak ng kadena ang tanging umalingangaw sa paligid. Marupok at nangangalawang na pala ang mga tanikalang nakagapos sa kaniya. Hindi niya ito napansin sapagkat nakagisnan na niyang yakap siya ng mga ito.
Bitbit ang isipan na uhaw sa kaalaman, siya’y nagsimulang maglakbay. Maraming hakbang ang gagawin dahil malayo pa ang tatahakin pero ito’y sasakatuparan maibsan lamang ang uhaw.
Habang siya ay naglalakbay, nananatiling sariwa sa kaniyang munting isipan ang karanasan nang siya ay iginapos ng mamasa-masang identidad sa puno ng bagong tubong akasya. Ngayon, ang punong ito ay malaki na at may marka ng nagsisikipang tanikala sa paligid nito. Lilingunin niya ang punong ito, ngunit hindi na kailanman babalikan pa.
Pagtapak ng kaniyang mga paa sa lugar na iyon ay nanumbalik ang dati niyang ngiti at mababakas sa mata ang ligayang hatid ng naturang lugar.
Bubungad ang oportunidad na tila regalo sa kaniya. Isang regalo na malugod niyang tatanggapin at bubuksan sapagkat minsan lamang ito dumating sa buhay niya.
Makakasama niya ulit ang mga taong bubuhos ng kaalaman sa kaniyang uhaw na isipan at gutom na kalamnan. Magsisilbing pangalawang magulang niya ang mga ito at siyang huhubog ng kaniyang buong pagkatao.
Kaya kahit maraming balakid man ang naghihintay sa kaniya, simula sa pakikiangkop muli hanggang sa pagpapanumbalik ng kaniyang angking kagalingan, walang makapipigil sa isipan niyang uhaw na uhaw.
Klang! Klang! Klang!
Tunog na ng mga kampanang naghuhudyat ng panibagong kabanata – mula sa gapos ng pandemya, nagbabalik sa paaralang kinamulatan.