3 minute read

Hagod sa Mahubog mong Katawan

Ni: Klara Mae A. Cardinal

Sumibol ang araw na nagpapahiwatig ng panibagong pag-asa para sa tulad kong pilit na inaabot ang tropeyo ng tagumpay. Mag-isa sa apartment na malapit sa aking napasukang trabaho, inihahanda ang uniporme bago maghalo ng mga inuming ihahain sa mga taong papasok sa resto. Nakangiting makikisalamuha sa mga tao habang tinitimpla ang kanilang paboritong wine at putahe.

Advertisement

Lumipas ang ilang oras na trabaho, pumasok sa eskwela at nakinig sa aking guro. Dumating ang huling guro na papasok sa aming silid-aralan, tinalakay ang aralin na nakapaloob sa kanyang asignatura. Kami ng aking mga kaklase ay naghihintay sa tunog ng kampana hudyat ng pagtatapos ng klase.

Habang lumulubog ang araw hudyat na malapit na ang pagsibol ng buwan at bituin sa kalangitan, ang pares ng aking tsinelas ay piniling tahakin ang lugar patungo sa baybaying dagat bago umuwi sa apartment na aking inaarkilahan.

Umupo sa dalampasigan sabay tingin sa kay gandang kalangitan, pinakiramdaman ang hanging humahaplos sa aking balat at ang tunog ng alon sa dagat. Ang mga alon ay humahampas – aabante at aatras. Sa muling paghampas nito ay siya ring pagbabago ng nakasanayan ko. Lahat ng aking galaw ay limitado, daig pa ang nakakulong na preso.

Lalabas sa apartment na para bang nakatakas na preso, may takip ang bibig at ilong at halos hindi makadikit sa ibang tao. Bumagal ang pag-ikot ng mundo. Nawalan ng trabaho at dumating sa puntong may kailangan akong bitawan at alisin sa buhay ko. Sa kasamaang palad ay kasama dito ang pangarap na pinagsisikapan kong abutin.

Piniling libangin na lamang ang sarili sa ibang bagay. Lumipas ang maraming buwan na para bang may kulang sa akin. Hindi ko makuha ang saya na ninanais ko. Naging mahigpit man ang mga palatuntunan sa labas ngunit pinili kong umahon mula sa pagkakalugmok. Pilit na naghanap ng trabaho upang may magamit na pera para sa aking pag-aaral online at ang kalahati ay modyular. Nagmahal ang presyo ng bilihin na mas lalong nagpahirap sa aking sitwasyon. Ang sweldo ay nanatiling maliit at hindi sapat para tugunan ang mga pangangailangan ko. Marami mang pagsubok,

hindi ito naging hadlang upang sumuko ako at bumalik sa bilangguan. Naglalakad sa isang pasilyo dala ang mga kwaderno na naglalaman ng mga kasagutan mula sa aking napag-aralang papel na pinasagutan ng aming guro nitong nakalipas na linggo. Habang naglalakad ay nakita ang isang pamilyar na silid. Ang silid kasama ang aking mga kaklase. Naalala ko tuloy ang mga masasayang alaala kasama sila lalo na ang bonding namin kapag nagkakaroon ng oras na walang klase. Pumreno ang aking mga paa sa silid kung saan nabuo ang aking malawak na imahinasyon sa pag-abot ng aking mga pangarap. Bubuksan ko ba ang pinto ng pangarap na matagal ko nang binitawan? O papasukin ang mundo na nag-udyok sa aking katawan na kumayod para sa pangarap na dati ko nang inasam?

Tinahak ko ang pamilyar na daan patungo sa isang bagay na dati kong naging inspirasyon sa pagbuo ng musika. Hinawakan ang gitara gamit ang kaliwang kamay sabay hagod sa kurbado nitong katawan gamit ang kanan. Kinapa ang tila lubid na magkadugsong sa magkabilang dulo ng gitara na nagbibigay ng magandang melodiya sabay hagod pababa sa hubog ng kaniyang katawan para simulan muli ang naputol na pangarap noong ako ay bata pa.

This article is from: