3 minute read
Paglayag Katuwang ang Sarili
Ni: Kyla Sophia V. Lagrisola
Natumba. Tumayo. Umulit.
Advertisement
Bumalik ang mga memorya noong siya ay bata pa lamang. Kasama ang kaniyang ama, tinuturuang ipadyak ang bisikletang bagong bili. Patuloy na natutumba ngunit hindi sumusuko. Kapag binibitawan ng kaniyang ama ang bisikleta, agad na nawawalan ng tiwala sa sarili. Ang mga memoryang iyon ay mananatiling memorya lamang sa kaniya sapagkat dumadaan na ang bagong yugto kung saan marami pa ang mararanasan hindi lang ang pagbibisikleta.
Ngayo’y nakaupo, nakatulala, at nakatingin sa kawalan. Bumalik ang kaniyang sarili sa reyalidad, sa mundong puno ng pangamba hindi lang dahil sa mga krimen kung hindi dahil sa sakit na hindi nakikita subalit labis na nakapipinsala. Tumayo sa kinauupuan at lumingon-lingon. Ang dami nang pinagbago sa paligid, sa takbo, at sa galaw ng mundo.
Pumunta sa labas at iba’t ibang kulay ang nakikita; kulay ng puno, kulay ng langit, kulay ng mga bahay, at kulay ng maskarang takip ang mukha ng mga tao. Sinubukan niyang langhapin ang simoy ng hangin ngunit hindi niya maatim dahil sa proteksyong nakaharang sa kaniyang mga ilong at bibig. Dahil doon, naalala niya noong panahong kating-kati ang kaniyang mga paa sapagkat matagal nang hindi nakakagala kasama ang kaniyang mga kaibigan. Pwede at pinayagan man ng batas, ngunit mas piniling manatili sa tahanan kung saan mas ligtas.
Matagal ang panahong siya ay nanatili sa loob ng tahanan, nagpapalipas ng oras at naghihintay ng balita kung may pagbabago ba o wala sa labas ng tahimik na tahanan. May pagkakataong ginagawa niya ang kaniyang mga nais sa loob ng tahanan ngunit hindi rin alam kung bakit pinagsasawaan agad. Scroll sa FB, IG, at Twitter lang ang tangi niyang gawain. Nakukulong na sa maliit na bagay na hugis kahon para lamang matakasan ang reyalidad. Kada araw na siya ay kumakain, hindi niya maiwasan ang magmuni-muni at mag-isip ng mga bagay na hindi niya iniisip noon dahil ang pagsarado ng mga bahay dulot ng lockdown ang kasabay naman ng pagbukas ng kaniyang mga isipan. Kaisipang hindi niya kinakailangang umasa at dumependa sa iba. Kung pumasok siya sa loob ng pinto ng kaniyang bahay na iba ang pananaw at pagtingin sa sarili, lalabas naman siya bilang isang “independent.” Sa kasalukuyan, bumukas na muli ang mga pinto at marami na rin ang pinagbago, ngunit alam niya sa kaniyang sarili na siya ay handa na, may maskara man o wala. Hindi mismo ang pandemya ang dahilan kung bakit siya ay naging matatag ngunit ang kaniyang kamalayan sa sarili noong siya ay nakakulong sa tahanan dahil sa epekto ng pandemya.
Hindi na siya tulad ng dati na kapag binibitawan ng kaniyang ama ang kaniyang bike habang tinuturuan, siya ay nawawalan ng tiwala sa sarili, bagkus ito ang naging panimula upang makayanan niyang hindi na umasa sa pagkapit at pagalalay ng iba ngayong pandemya sapagkat tanging siya lang ang kaniyang pag-asa.
Sa huling pagkakataon, sinubukan niya muli ang magbike, kapansin-pansing hindi lang sa pagbibisikleta siya natuto lumayag mag-isa pati na rin sa mundong patuloy na umiikot – kasama ang loob niyang panatag at matatag sa banta ng pandemya.