4 minute read
Naglumot ang Lungtiang Bayan
Ni: Giane Antonette A. Labarro
Ang mga Pransiskanong prayle. Si Mary I ng England. Si Adolf Hitler. Si Elizabeth Bathory. Si Hudas Iscariote.
Advertisement
Iisa lamang ang katangian nila. Ipinakikita ng mga pangyayari sa kasaysayan ng daigdig ang mga halimaw na nagbabalat-tao.
Marami pa rin ang mga halimaw na pumapaligid sa mga bayan-bayan.
Dito lamang sa katabing bayan na napalilibutan ng mabigat na awra, makikita ang isang babaeng ipinanganak nang may buhok na kulay berde. Kasintingkad nito ang mga naglalakihang paikot-ikot na tila ba sala-salabat na kable ng kuryente sa Maynila. Nananatili itong matataba at kahit magyakap pa ang dalawang tao palibot nito ay hindi masasakop ang kabuuan. Kung ano ito, walang may alam.
Nang matutong magsalita ang babae sa edad na dalawa, una niyang tinuran ang salitang “kaibigan.” Habang lumalaki at natututuhan ang marami pang ibang bagay, nagkaroon siya ng isang kaibigan na hindi nakikita ng iba – imaginary friend kumbaga. Lagi niya itong kasama ngunit hinaharap lamang kung may takip ang kaniyang mga bibig. Hindi raw kasi nito gustong makakita ng ilong at bibig, kaya nirespeto niya na lang ang nais nito.
Sa edad na labindalawa, ginuhit niya ang kaibigang ito sa papel na kulay lupa, na akala mo ba’y binabad sa kape. Kulay berde rin ito, maraming mga sangang nakabalot sa katawan, nakapalibot sa ulo, at umaabot sa kalawakan ng papel. Tila ba isang puno na sistematikong umaabot ang mga ugat sa malalayong dako.
Kahit saan siya pumunta, panatag siya dahil kasama niya ang kaniyang kaibigan. Madilim na kagubatan man ‘yan o sa ilalim ng naglalakihang bato. Ngunit sa hindi malamang dahilan, kung pupunta man siya sa isang lugar, pagkatapos ng ilang araw o linggo, mayroong nagkakasakit, nawawala, o nauupos ang buhay.
Sinimulan siyang sisihin ng mga tao rito. Madalas daw kasing nagsasalita mag-isa at nagdedeliryo. Alam niyang hindi ang kaibigan niya ang dahilan nito. Magkasama sila sa mahabang panahon at kilala niyang hindi ito magtataksil.
Hindi nga ba? “Ngunit kaibigan ko lang naman ‘yan?” Lagi niyang winiwika sa mga tao tuwing sisisihin siya sa mga pagkamatay sa lugar nila. Hindi naman ang kaibigan niya kundi siya ang sinisisi.
Nagulo ang mga berdeng tila ugat na nakapalibot at nakapaloob sa bayan nila. Akala mo ay mga serenang gumagalaw patungo saan at mukhang nanghihina. Madilim na berde ang naging kulay nito – nagmistulang lumot; ang buhok ng babae ay naging kulay lumot din.
Mula noon, sa edad na labinlima, unti-unting tumigil ang mga pagkawala at pagkamatay ng mga tao sa bayang ito. Marahang nawala ito, ngunit sabi ng bata ay nariyan pa rin sa tabi niya ang kaniyang kaibigan. Guni-guni lang ba nila ang lahat ng nangyari? Ngunit bakit nawawala pa rin ang kanilang mga kapamilya?
Isang bayan, nakulam ng mga berdeng sapot.
Kung nariyan pa rin ang kaibigan ng bata, na kung tutuusin siguro ay kulay lumot na rin, bakit kaunti na lamang ang nawawala at sa mga lugar ito na kahit sa buong buhay ng batang babae ay hindi pa niya narating?
Siguro dahil iniiwasan na nila ang batang babae? At lumipad na tila saranggola sa mga bayan-bayan ang balita na hindi na malala ang deliryo ng babae, humina na ang mga tila ugat na nakabalot sa kanila, at dapat na lalong iwasan ang kulay lumot nitong anyo.
Nakalulungkot dahil tinrato ang babae na tila sanhi ng epidemya sa bayan nila.
Tulad ng pandemya, na hindi siya pinaniwalaan at tinratong sakit ng lipunan.
Tulad nito, na akala mo ay biglaan na lang nawala.
Tulad din ng pandemya, unti-unti nang nakalilimutan ng mga tao ang mga paghihirap na dala nito, kahit sila’y nakararanas pa rin ng mga pagdurusa mula rito.
Tulad ng mga taong kinasuklaman sa kasaysayan ng mundo, hindi kailanman nagustuhan ng tao ang presensya ng kaibigan ng batang babae, maliban sa mga nakikinabang.
At ang pandemya, na sa bawat bagong kwento rito, nababago ang anyo ng kaniyang kaibigan.