55 Kumusta ka na? Matagal na kitang kilala. Matagal na kitang nakikita. Ako sa ‘yo’y humahanga. Sa yaman at talino, sino’ng ‘di magnanasa na ‘yong mapansin at makausap na rin? Gagawin ko’ng lahat, mapasulyap ka lang sa ‘kin. At ‘pag nangyari ‘yon, ako’y maraming sasabihin. Marami akong alam tungkol sa ‘yo kahit ‘di mo pa aminin. Tandaan ang sasabihin at baka ito’y iyong kainin. Ang sabi mo noon ay ako ang ‘boss’ mo. Kaya pangalan mo’ng tinandaan bago ako bumoto. Sa tuwid na landas, do’n ako’y pinahayo. Kaya sa ‘king paglalakbay, dumaan ako’y sa diretso. Nang minsang makasabay ka, akala ko, pangarap ay mabubuo. Makakausap na kita’t ako’y lilingunin mo. Subalit sa ‘king gulat, ika’y biglang lumiko. Ano’ng nangyari? Na-turn-off tuloy ako. Sa personal pala, ikaw ay suplado. At sa daang matuwid, ako’y iniwan mo. Ako ba’y nalinlang? O ‘di ko lang naintindihan? Ano’ng pakahulugan mo sa tuwid na daan? Pakiusap! Ipaliwanag upang aking maunawaan. ‘Pagkat ako’y nalilito’t lubhang nahihiwagaan. Sayang lang ang paghanga na iniukol ko sa ‘yo. Masakit isiping: Ako’y nabola mo! Ipakita mo sana na mahalaga rin ako sa ‘yo, higit pa sa kotse mong magara at bago. Sagutin mo ako’t ’wag paasahin lang. At patunayan na tiwala ko’y may patutunguhan. ni KAYE ANN E. JIMENEZ
Para kay P
PALETA II