117
Nang Mapalitan ng Agiw ang Liwanag ng Lampara
“Karapatan pa bang maituturing ng asawa ang pagsamantalahan ang pagkatao ng sariling kabiyak? ”
Sa kalaliman ng gabi, naulinigan ni Berto ang malakas na panaghoy ng kanyang nanay sa silid ng kanyang mga magulang. Sa bawat paghagulhol nito, sumasaliw din ang malulutong na hampas ng sinturon sa pader, sa katre at ang malanit na latay sa manipis na balat. Nasa ilalim na naman ng espiritu ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang tatay at namamayani rin ang sungay ng kasamaan sa anyo ng kalibugan. Alam ni Berto na hayok na hayok na naman ang kanyang tatay sa sariwang laman habang wala sa sariling katinuan. Sumisigaw ang kanyang ina habang nais nitong iparamdam sa asawa ang labis na pagsisisi sa mga pangakong binigkas at binitiwan sa harap ng altar. Nais niyang ipagtanggol ang sariling ina subalit sa murang edad na pito, wala pa siyang sapat na kakayahan para malabanan ang ama. Lumipas ang ilang oras at namayani na ang katahimikan ng kabahayan habang namumutawi sa buong paligid ang liwanag ng kanina pang tila naninilip na buwan. Nakagawa si Berto ng maliit na butas at doon niya nakita ang lahat nang nangyari. Awang-awa si Berto sa kanyang pinakamamahal na ina. Walang malay itong nakahiga sa sahig, walang pang-ibabang saplot at punit-punit ang damit pang-itaas. Karapatan pa bang maituturing ng asawa ang pagsamantalahan ang pagkatao ng sariling kabiyak? Dahil sa musmos na kapagurang naramdaman ni Berto sa pag-iintay nang magdamag, pinili na niyang hipan ang nakasinding gaserang marami nang nailabas na itim na usok at nagdudulot ng makapal na agiw sa kanilang tahanan sabay pikit ng mga mamasa-masang mata. P4 LETA