61
“Ano bang kasalanan ko sa kanila?”
Nakakapagod. Hanggang saan nila ako hahabulin? Hanggang kailan ako tatakbo? Teka, ano nga bang nagawa ko? Kanina lang, nakatambay ako sa may kanto malapit sa tindahan ni Aling Basya, ang nag-iisang tindahan sa aming lugar. Tulad ng nakagawian, magisa ako at tanging yosi lang ang kasama. Hindi kasi maganda ang tingin sa akin ng mga kapitbahay ko. Lagi na lamang akong inihahalintulad sa tatay kong kriminal daw at kasalukuyang nakapiit sa bilibid. Kaya hindi na nakapagtataka kung wala akong kinalakhang barkada. Bakit ako ngayon tumatakbo? Hinahabol nila ako. Sila. May ilang barangay tanod, maskuladong anak ni Aling Basya, at ilan pang siga sa lugar namin. Ano bang kasalanan ko sa kanila? Tumakbo lang ako nang tumakbo. Tumatakbo kasama ang isang supot ng tinapay na hawak ko. Oo nga! Alam ko na! Kanina lang, nakatambay ako sa may kanto nang biglang may isang binatilyong pulubi ang dumaan. Hinahabol siya ng grupo ng kalalakihan. Sinisigawan nila ito. —Magnanakaw! Magnanakaw! Hinarang ko at kinuha ang dala nito. Ang isang supot ng tinapay na ibabalik ko sana sa kanila. Ngunit mas pinili kong tumakbo nang isigaw ng isa sa mga tanod ang pangalan ko sabay sabing, —Kasabwat ng magnanakaw!
Isang Supot ng Tinapay
P4 LETA